Tag Archives: ganito kami sa makati

BUHAY MAKATI

Matataas at magagarang gusali.  Magagarang kotse sa kalsada. Mga taong nakasuot ng magagarang damit. Mga Call Center Agent na maingay na nag-uusap at nagyoyosi. Mga empleyadong sa tuwing umaga ay nagmamadali.

Ilan lang yan sa mga pang araw-araw na makikita mo sa lungsod ng Makati. Kung titignan ng isang bagong salta ang Makati marahil papangarapin niya ang magtrabaho at mabuhay dito. Marahil gugustuhin niyang dito kumita ng pera. Marahil mas pipiliin niyang dito hanapin ang pinapangarap niyang magandang buhay. Magiging tama kaya ang magiging desisyon niya? Dito lang ba talaga makakakuha ng tao ang ginhawa at magandang buhay na hinahanap niya?

Marahil kung iisa-isahin mong kausapin ang mga tao sa Makati makakakuha ka ng iba’t-ibang opinyon. Marahil may kanya-kanya silang istorya at kwento na marahil makakapulutan mo nang aral. Marahil iba-iba din ang pinagdadaanan nila sa buhay nila sa Makati. Hayaan niyo akong ikwento ang sarili kong pananaw at istorya sa mahigit dalawang taon ko dito sa lungsod na ito. Hindi ito upang siraan ang Makati at ang kumpanyang pinagtratrabahuan ko ngayon. Ang intensyon ko lang ay ikwento ang istorya ng buhay ko kung may masabi man akong pangit, paumanhin pero ito ang aking kwento. Sana may mapulot kayo. Simulan na natin.

Tandang tanda ko pa ang buwan na iyon. Nobyembre yun nang taong 2009. Mula sa pagiging isang “Leasing Coordinator” sa isang kumpanya sa Maynila ay nagbakasali akong makikita ko ang aking magandang bukas sa isa sa mga kilalang lugar sa Maynila at ito nga ang Makati. Kilalang kilala sapagkat nandito ang mga naglalakihang mga bangko, mga “CALL CENTERS” at lahat halos ng kumpanyang ninanais mong pasukan ay nandito na. Ikaw nalang ang hinihintay, ika nga nila. Marahil madami na din akong inaksayang “RESUME” at iba’t ibang kumpanya na ang nakakuha nito. Aaminin ko unang pumasok sa isipan ko ay ang mga naglalakihang “CALL CENTER” pero sadya nga atang pilipit ang dila ko at di ako pumasa sa mga ito. Hindi daw kasi ako “SLANG”  at wala akong tunog mayaman. Hindi din ako pinalad sa mga “TELECOMMUNICATION COMPANY” at ibang IT COMPANY na pinagpasahan ko. Hindi naging madali ang lahat kaya nang mapagod ako balik pa din ako bilang isang “coordinator”.

Pero hindi ako sumuko at naghanap pa din ako ng mga kumpanya makalipas ang ilang araw. Sinubukan ko magpasa sa JFC at MANAGEMENT TRAINEE ang inoffer nila sakin. Noong una ay napapaisip ako kasi medyo  malayo sa kurso ko pero dahil pangarap ko ang maging Manager ay nagpunta ako sa INITIAL INTERVIEW at pinalad akong umabot sa FINAL INTERVIEW sa isang Branch nila sa bandang UST. Medyo matagal bago lumabas ang resulta kaya nainip ako at sumubok na bumalik sa Makati at magpasa sa mga bangko, pinalad naman akong makapasa. Sa di inaasahang pagkakataon ay nakapasa din ako sa FINAL INTERVIEW sa JFC at tinawagan nila ako para daw sa “REQUIREMENTS” pero huli na ang lahat kasi natapos ko na ang lahat ng “REQUIREMENTS” sa bangko at mas pinili ko ito kasi sakto sa kurso ko. May konting panghihinayang kasi MANAGERIAL POSITION na iyon matapos ng training pero ganun talaga mas gusto ko ang magtrabaho sa kumpanya  na magagamit ko ang pinag-aralan ko.

Sa ngayon ito ako, halos tatlong taon na dito sa Makati at nagtratrabaho pa din sa isang kilalang bangko. Masasabi kong hindi naging madali ang lahat. Hindi madali ang mabuhay sa Makati lalo na kung ang sahod mo dito ay sakto lang sa pang araw araw mong gastos. Sabi nga nang iba kong kaibigan “MAHAL ANG COST OF LIVING SA MAKATI”. Tama talaga sila. Wala akong tutol doon. Pero siyempre iba-iba naman tayo ng sahod. Syempre pag maganda ang kita mo di ka mahihirapan. Pag mataas ang posisyon mo, siyempre mas nakakaangat ka. Kaya ako pinapangarap ko din ang magkaroon ng mataas na posisyon para di na ako maghirap, para din makatulong na ako sa aking pamilya at siyempre hindi na sakto ang sahod ko sa pangsariling gastos. Gusto ko ding makaipon kahit papaano. Kahit sino namang empleyado ay pinapangarap na umangat di ba? Lahat naman tayo gustong maging maunlad ang ating mga kanya-kanyang buhay? Ayaw ko na din kasing maramdaman ang “PETSA DE PELIGRO” kung saan di mo na alam ang gagawin mo kasi ilang araw pa bago ang sahod at ang pera mo ay di na sapat para makadating sa petsa ng sahod.

Tiyaka ito ang napansin ko. Hindi lahat ng empleyadong nakaPOLO BARONG sa Makati may mataas ang sahod. Meron diyan sakto lang ang kita. Merong ABOVE-MINIMUM at syempre yung mga MINIMUM ang sahod. Natatawa din ako, kasi napansin kong may mga “CALL CENTER AGENT” tuwing umaga na kailangan pang gamitin ang banyagang salita para mag-usap kala mo kagagaling pero hindi naman. Karamihan sa mga naririnig ko ay nagfefeeling magaling lang pero barok naman ang ingles. Pasensya na hindi ako galit sa mga “CALL CENTER AGENT” naiirita lang ako doon sa ibang nagmamagaling lang. Pero siguro nga likas na sa kanila yun at wala na akong pakialam doon. Uso din ang mga empleyadong matapos ang ilang buwan ay lilipat sa ibang mas magandang kumpanya. Ang pinakapaboritong salita dito ay “NAPIRATA”. Pag magaling ka siyempre pipiratahin ka ng iba. Ilan sa mga katropa ko napirata ng ibang kumpanya at ayun may magandang sahod at kita na. Napatanong nga ako sa sarili ko. AKO KAYA KELAN MAPIPIRATA? Tapos sa Makati mo din makikita ang JOLLIJEEP, sosyal na pangalan para sa isang maliit na karinderya sa Makati. Tapos sa Makati mo din malalasahan ang masarap na  “MAMI NI KUYA”. Biro nga ng kaopisina ko ang tagline daw nila ay ganito “MURA NA, MADUMI PA” pero biro lang niya iyon. Sa Makati, di uso ang Pedestrian Lane sa kalsada puro tunnel kasi ang dadaanan mo mapunta ka lang sa kabilang kanto. Dito ko din nakita at naranasan ang “AIRCONDITIONED JEEP” ang pinasosyal na dyip ng masa. Ano pa ba? Kulang pa iyan sa mga napansin ko. Marami ka pang makikita sa Makati at di ko kayang ilathala ang lahat. Marahil ang ilan sa mga iyan ang kadalasan kong nakikita at napapansin. Marahil ilan lang yan sa naging parte ng buhay ko sa Makati.

“GANITO KAMI SA MAKATI”, ang tagline na narinig ko sa kumpanya ni VP Binay noon. Ganito nga siguro sa Makati, iba-iba ang tao, iba-iba ang kwento, iba-iba ang mga nararanasan sa trabaho at iba-iba ang mga sweldo.

Minsan tinatawanan ko nalang ang lahat pero kadalasa’y napapaisip na din ako. Napapaisip lumipat at magpapirata. Minsan gusto ko din umangat ng pwesto. Minsan gusto ko din nang malaking sweldo. Natutuwa lang din ako kay GOD kasi kahit papaano ay di Siya pumapalyang tulungan ako na makaraos kahit papaano. Sa ngayon mahirap ang buhay, sakto lang ang kita ngunit naniniwala parin akong may darating na magandang plano ang Diyos at naniniwala akong malapit na iyon. Naniniwala akong didinggin ng Diyos ang mga dasal ko. Hayaan niyo pag dumating yun, ikukwento ko uli dito sa lungga ko.

GANITO ANG BUHAY KO SA MAKATI. ITO ANG AKING SIMPLENG KWENTO.