AKO AT ANG AKING KWENTO.

Alas sais ng gabi. Palabas na ko nang opisina nang mapansin kong kumukulog at kumukidlat. Malakas ang ihip ng hangin. Mukhang nagbabadya ang pagbuhos ng isang malakas na ulan. Dahil sa nahihirapan akong sumakay sa mga oras na iyon sapagkat madaming tao sa kalsada at oras ng uwian nang lahat ng mga nagtratrabaho ay dali-dali akong humanap nang masisilungan. Naramdaman ko kasi na malapit nang bumuhos ang ulan. Ayun nga, nakakita ako ng 711 sa di kalayuan. Upang di naman nakakahiya ang aking pansamantalang pagtigil ay naisipan kong bumili ng paborito kong SORBETES.

 Ako nga pala si Earl. Isa akong manunulat ng tula at kwento. Kakaiba ako sa lahat ng manunulat sapagkat hanggang ngayon ay sinusulat ko pa din sa pamamagitan ng makalumang pluma ang aking mga akda. Marahil nasanay na ako sa ganitong gawa. Hindi ako sanay gumamit ng makinilya at kompyuter. Kakaiba nga ako di ba?

 Matapos kong kaiinin ang sorbetes na aking binili ay napansin kong bumuhos na nga ang pagkalakas lakas na ulan. Kasama pa nito ay ang malakas na hanging tumatama sa salamin ng 711. Naisipan ko na muna na magtagal ng kaunti.

 Habang nagpapatila at naghihintay nang masasakyan sa loob, sa di kalayuan ay abot tanaw ko ang isang batang lalaki na nanginginig sa ginaw, nakatapak, nakasuot ng punit-punit na damit, walang salawal at kita na ang KUYUKOT ng kanyang puwet. Nakasandal ito sa isang pader at pinagkakasya ang sarili sa isang sulok sa silong ng nakausling yero ng bahay. Sandali pa’y tumila na ang ulan. Naisipan ko nang lumabas at maghanap ng masasakyan.

Maya-maya ay naglakad na ang bata. Patungo ito sa aking kinatatayuan.  Nang nasa harapan ko na ay binuksan ang kanyang maliliit na palad, nanghihingi ng kahit konting barya at limos. Binalewala ko yon. Maaaninag sa hapis niyang mukha ang panlulumo. Makulimlim pa rin kaya nang may nakita akong masasakyan ay dagli akong tumakbo at sumakay. Iniwan ko ang bata na ni isang kusing ay wala akong binigay. Sabi kasi sakin noon ng ibang tao at ibang mga kaibigan ay masama daw ang magbigay ng pera sa tulad nila kasi ginagamit lang daw sila ng mga sindikato at baka daw umabuso sila at masanay sa ganung buhay. At iyon nga ang aking ginawa.

Kinabukasan habang pababa ako dyip sa tapat ng UERMM ay napansin ko sa kabilang dako ang isang tumatakbong usiserong mula sa palumpon ng mga tao. Nandun din ang mga ordinaryo babae sa umaga at PUTA sa gabi na suot pa ang maiikling damit at di pa nagpapalit ay heto nga’t nakikisali at nakikisawsaw sa kung anu man iyong pinagkakaguluhan ng mga tao. “Mukhang may nangyari!” ang tanging sumagi sa aking isipan nang matanaw ko din ang mga reporter na  nakaharap sa lente nang KAMERA na tila may binabalita sa kani-kanilang mga istasyon. May nabangga raw, yon ang dinig ko mula sa usisero. Di ko na din pinansin iyon at dali-daling pumasok sa loob ng ospital.

Habang naglalakad ay di maalis sa isipan ko ang kaninang nakitang eksena. Bigla akong kinilabutan at nanlamig. At dahil lutang, di ko namalayang lumagpas na pala ako sa kwartong pupuntahan. Bumalik ako at pagdating sa tapat nang kwarto ay sumilip. Nag-aaninag ng kahit konting pag-asa. Tulad nang dati wala pa din pinagbago. Wala pa ring malay si Papa. 

 Bumaba muna ako at dumiretso sa kapitirya upang bumili ng isang basong maiinit na tubig para sa aking dalang kapeng BARAKO at sumaglit na din sa parmasiya upang bumili ng mga MEDISINAng nireseta ng doktor. Nang paakyat na ako’y nakasalubong ko ang isang tumatangis na babae sa pintuan ng ospital– payat, may kaputian na ang buhok. Nagtatanong siya na parang wala sa kanyang katinuan. Akala mo’y matagal na akong kilala habang ako’y kinakausap. Hindi ko siya maintindihan pero sandali lang yon. Bumalik din ang aking diwa at nalinawan ang kanyang sinasabi.

 Di ko man batid ang lugar na tinuran niya’y sinamahan ko pa rin ang kaawa-awang babae. Lumabas kami sa ospital at tumawid. Dumiretso kami patungo sa nagkukumpulang mga tao. Hinawi niya ang mga ito at nang nasa tapat na kami. Tumambad sa akin ang tila isang batang lalaki na nakahandusay sa sahig, patay at tinabunan nang madaming PERYODIKO. Hindi na napigilan pa ng ale ang bigat na nakadagan sa kanyang dibdib. Lalo pang lumakas ang palahaw niya nang tanggalin ko ang isang peryodikong nakatakip sa bandang uluhan nito.

Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang masilayan ko ang batang wala ng buhay. Siya yong batang lumapit sa akin at nanghihingi ng limos. Hindi ko na nagawang magpaalam pa sa babae. Dagli akong tumalilis. Mas mabilis pa sa AHAS at ALUPIHAN ang ginawa kong pagtakbo papalayo. Bumalik ako sa ospital at dumiretso sa kwarto kung saan nandoon si Papa. Nakaratay pa din at walang malay.

 Sa isang madilim na sulok ng kwarto kung saan isang makabagong LAMPARA lang ang nakabukas ay umalpas na aking pagtangis. Di ko mapigilan ang mga luhang bumababa mula sa aking mata. Nanlulumo ako sa aking sarili at nakokonsensya sa aking mga ginawa. Naaawa din kasi ako sa aking sarili sa dahilang nakikita ko ang aking sarili sa babaeng iyon, ako din ay nanghihingi ng limos sa Maykapal na sana huwag pa Niyang kunin ang may sakit kong ama. Ang aking ama na umaasa na lamang sa tulong ng suwero para madadagdagan ang araw niya. Matindi ang pagsusumamo kong huwag ipagdamot ng Diyos ang kaligtasan niya na gaya ng ginawa ko sa bata at kanyang ina. Mahal na mahal ko ang aking ama at ayaw kong iwanan niya ako tulad na pag-iwan ko sa babaeng humihingi ng tulong.

 Matapos kong ilabas ang bigat sa dibdib ko ay may narinig akong tumunog sa swero na nakasaksak sa aking ama at isang mahabang guhit pahaba ang aking nakita. Tumawag ako ng doktor at dali-dali silang dumating. Pansamantala muna nila akong pinalabas. Sumilip ako sa pinto. Tanging naaaninag ko lang ay mga likod ng doktor. Di ako mapakali. Halo-halong emosyon ang nasa puso ko nang mga sandaling iyon.

 Maya-maya pa’y lumabas na ang doktor at sinabing wala na aking ama. Para akong sinukluban ng langit at lupa ng mga sandaling iyon at nanikip ang aking dibdib. Para akong hihimatayin. Tumakbo ako sa kwarto at pinuntahan si Papa. Wala na nga siya. Patay na.

Ngayon parehas na kami noong babae. Nawalan. Naiwan. Nasasaktan. Nahihirapan. Ngayon di lang mga gawang kwento at tula ang aking magagawa, susubukan kong gawan ang kwento ng buhay ko. Mahirap. Masakit. Bumabalik ang mga pangit at magandang ala-ala pero kailangan ko itong gawin sapagkat naniniwala akong darating ang panahon na pwede kong ipamana ito sa mga susunod pang henerasyon.

 “Ang buhay ng tao ay saglit lang kaya pahalagahan mo ito sapagkat para itong tinta ng PLUMA, nauubos, nawawala at naglalaho din”

9 responses to “AKO AT ANG AKING KWENTO.

  1. Galing!!! =D

    regrets will always come last, what we could only do is to move on and turn those regrets into something more than just memories but inspiration to become better individuals….hehehe

  2. Life is beautiful no matter what. Yung mga pinagdadaanan nating mga paghihirap ang nagbibigay ng kabuluhan sa buhay natin sa kasalukuyan na maging mas mabuting tao para sa sarili natin at para sa iba🙂

  3. Congrats sa iyo! Top 5 ka sir…paburger ka naman…

  4. Just dropping by to read your entry. Kaiyak, but may lesson. Hope it will be a reminder for everyone to lend a helping hand.

  5. wow… napadaan lang ako mula sa isang blog roll dahil nacurious ako sa title.. ngayon ko lang nabasa yung entry mo at ang tanging masasabi ko lang ay napakaganda nito.. ang sakit nga lang sa dibdib ng ending…

    very nice!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s