AKO SI SIMPLENG INHINYERO, LAKING QUIAPO

“DVD Sir? Maraming bago…”

Sinong hindi pamilyar sa tanong na ito? Sinong hindi makakakilala at hindi makakaalam sa lugar na ito? Marahil isa ka sa mga nahumaling na tumingin sa mga binibenta at inaalok nila. Marahil isa ka sa madalas na dumadaan sa lugar na ito. Ang tinutukoy ko ay ang lugar ng QUIAPO.

Siguro di lang naman ako ang may kwento dito sa lugar na ito baka nga ikaw meron din. Pero hayaan niyo akong ikwento ang mga karanasan ko dito sa Quiapo. Samahan niyo akong alalahanin ang lahat ng mga masasaya, magaganda at makukulit na alaala ko dito.

Taong 2004 nang mapadpad ako sa eskinita ng Arlegui, Quiapo Manila. At simula ng araw na iyon ay nabago ang buhay ko. Ang isang simpleng batang nangangarap na makapasok sa kolehiyo at magkaroon ng magandang buhay ay dito nakipagsapalaran at binuo ang pira-pirasong niyang pangarap.

Ewan ko ba kung bakit noong araw na iyon ay nakalimutan kong may UST, FEU, UE o di naman kaya MAPUA na pwede kong pasukan sa kolehiyo. Ewan ko ba kung bakit ako napadpad sa isang kolehiyong aaminin kong noon ay di pa gaano kasikat at kilala. Pero ngayon masasabi kong isa na ito sa mga kinikilala at isa na itong sikat na “Engineering School” sa bansa. Ito ay ang TIP. Isa akong TIPOY. Yan ang tawag sa mga lalaking estudyante ng aming institusyon at TIPAY naman sa babae. Ang kulet di ba? Parang TIKOY at TINAPAY lang. hehehe.

Parte ng buhay QUIAPO ko ang TIP. Biruin mong limang taon akong nagpanggap na magaling at marunong, limang taong nakipagbolahan sa mga propesor, limang taong nagsunog ng buhok sa ilong, kili-kili, singit at kilay, limang taong humingi ng baon sa magulang at higit sa lahat limang taong natulog sa malamig naming Library. Sino ba naman ang hindi makakalimutan ang bawat ala-ala ng buhay niya sa kolehiyo di ba? Basta ako masaya ako noong kolehiyo. At taas noo kong ipinagmamalaki na dito ako nagtapos.

Parte din ng buhay Quiapo ko ang simbahan ng QUIAPO, BASTE at ST. JUDE. Mula kasi Huwebes hanggang Linggo ay parte ng buhay ko ang dumalaw sa mga simbahang iyan. Araw ng Huwebes ang simba sa St. Jude, dito ako humiling na pumasa sa bawat subject ko samantalang tuwing Biyernes naman ay nasa Quiapo ako at nakikipagsabayan sa mga deboto ng Nazareno tapos ang sabado ko lagi akong dumadaan sa BASTE para magdasal at makipagkwentuhan kay Hesus, tahimik kasi sa lugar na ito at ang linggo ay namimili nalang ako sa tatlo pero kadalasang nauuwi sa BASTE kasi yun ang pinakamalapit at pinakagusto kong simbahan sa tatlo.

Parte din ng buhay QUIAPO ko ay ang dalawang mall na lagi kong pinupuntahan. Ang ISETANN sa Recto kung saan dito ako unang nagtrabaho at ang SM Manila na hilig kong tambayan pag gusto kong maglaro sa QUANTUM. Mahirap ang buhay estudyante noon at minsan kailangan din ng mga ganitong lugar para makalayas sa apat na sulok na iyong silid-aralan at kwarto. Nakakatulong kasi ang mga lugar na ito upang maibsan ang lungkot ng pag-iisa at makalimot sa katotohanang minsan ay nabubuhay lang tayo para mag-aral nang mabuti.

Parte din ng buhay QUIAPO ko ang KAINAN NI ABE, LYKA’S TAPSILOGAN AT IPIS BURGER. Mura na masarap pa. Piling ko yan ang tagline ng mga kainang nabanggit. Dati noong nag-aaral pa ako sa halagang bente singko pesos ay busog na ang aking kalamnan sa isang ulam at isang kanin tapos may libreng sabaw pa sa KAINAN NI ABE. Tapos kung medyo gusto mo naman ng mga tapsilog, chicksilog, hotsilog at lahat ng may silog sa dulo, sa LYKA’S TAPSILOGAN ka kumain pero kapag wala ka nang ibang pagpipilian pwede ka sa IPIS BURGER. Bakit IPIS Burger? Yan kasi ang pinangalan ng mga kasamahan ko sa isang tapsilogan din na malapit samin. Para daw kasing yung lugar madaming IPIS pero wala naman.

Parte din ng buhay QUIAPO ko ang INTRAMUROS AT LUNETA PARK, hindi man bandang Quiapo pero kasama ito sa buhay ko sa Quiapo, dito kasi ako tumatambay pag gusto kong gumawa ng mga tula at akda ko. Dito kasi mas nakakapag-isip ako ng mabuti. Kadalasan kasi kapag gusto kong mag-isa ay dito ako pumupunta. Ewan ko ba bakit ang sarap mag-emo dito sa mga lugar na ito.

Parte din ng buhay QUIAPO ko ay ang mga internet shop na nakapaligid sa buong TIP. Dito ako kadalasang tumatambay para gumawa ng mga proyekto, asignatura at dito ako nagbloblog. Noong bago pa ako magkalaptop ay makikita mo akong nakatambay sa mga internet shop. Isa din sa mga hilig kong gawin dito ay ang mag-COUNTERSTRIKE at mag-DOTA. Kala niyo siguro di ako naglalaro ng mga iyan? Aba teka gusto niyo ba akong subukan? Ano laro na tayo.

Pero ang pinakamahalagang Parte ng buhay QUIAPO ko ay ang BAHAY NI TASIANA. Iyan ang pinangalan namin sa aming B-Haus. Hango kasi yan sa tunay na pangalan ni Ate Tess. Halos anim na taon din ang tinagal ng bahay na ito bago umalis si Ate Tess papuntang Canada upang doon ay makipagsapalaran din. Masasabi kong isa si Ate Tess sa di ko makakalimutang parte ng buhay ko. Siya kasi ang tumayong nanay-nanayan namin sa B-Haus. Higit sa lahat ang B-haus niya ang aking naging tahanan sa anim na taon ko sa QUIAPO. Dito na ako tumaba, pumayat tapos tumaba uli. Dito ako unang natutong maglaba, mamalantsa, magluto at dito ako unang natututong mabuhay ng malayo sa pamilya. Kaya laking pasasalamat ko sa mga taong naging parte ng buhay ko sa BAHAY NI TASIANA(ATE TESS) kasi sila ang tumulong na hubugin ako kung sino ako ngayon.

Marahil sa lugar na kinalakhan ko, wala mang sobrang gagandang tanawin, wala mang magagandang anyong tubig, wala mang masasarap na pagkain at inumin, wala man masyadong magagandang pasyalan, pero sa isang simpleng batang tulad ko na noon ay nangangarap lang na makapasok sa kolehiyo at magkaroon ng magandang buhay ay masasabi kong sapat na ang mga bawat masasayang ala-ala at magagandang karanasan na bumuo ng mga pira-piraso kong pangarap noon.

Walong taon na ako dito sa QUIAPO ngayon. Ilang taon na din ang lumipas simula noong araw na una akong tumuntong dito. Madami na din ang umalis at madami na din ang pinagbago pero handa pa din akong ipagpatuloy ang buhay ko dito sa QUIAPO. Sana sa mga susunod na pahina ng BUHAY QUIAPO ko kasama ka na.

—————————————————————————————————
Ito ay lahok at suporta para sa SARANGGOLA BLOGAWARDS 4
 
At salamat sa mga tumulong:
 
maraming salamat sa ating mga sponsors
 
 

14 responses to “AKO SI SIMPLENG INHINYERO, LAKING QUIAPO

  1. Naaalala ko yung Lyka’s. Peyborit ko yung ala-Mang Inasal nilang manok. Hahaha! Ang sarap lang balikan ng college days (Quiapo days) natin.🙂

  2. Quiapo! Ang kinakatakutan kong puntahan lalo na pag mag-isa. Good luck sa entry mo at sa entry nating lahat!🙂

  3. TIP din ako graduate, kaya nakakarelate ako sa iyo sir.. batch 2000 (BS Accountancy), dati konti lang pumapasa sa course namin pero ngaun more than 90% na.

    Tess din ang pangalan ng land lady namin, sa Cruzada ka din ba? baka pareho tayo ng tinirahan.

  4. bossing, hindi pa ako nakakapag umpisang mgblog hehe.

  5. Bossing, pasensya na at ngayon lang ulit nakadalaw. inilagay ko na ang link dun sa ginawa kong blog. Yung facebook account ko ay yung pangalan sa details ko. salamat in advance sa pag add. God bless!

  6. hmmm ako rin four years hard core na pabalik-balik dyan sa quiapo. Escolarian naman ako. dyan na ako binaha, nawalan ng cp, bumibili ng tapes (dati kasi may Philippine Christian bookstore pa sa Hidalgo).

    sa tatlong simbahan na nabanggit mo mas malapit sa akin ang st. jude. siguro dahil nga ata pang student yang simbahan na yan. yung baste, magnificent talaga. ang quiapo naman ang alternative ko sa divisoria. marami na kasing mabibiling accessories sa paligid nyan. siguro kapag nagka-DSLR na ako mapapadpad ako dyan ulit. hehehe

    mabuhay!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s