Tag Archives: PAG-UNLAD

KALIKASAN: SA IBA’T IBA NITONG ANYO AT DEPINISYON

==================================================

TAWAG NG KALIKASAN…

View Image

Iniisip ko ang mga salitang bibitawan ko
Parang napakanormal ang paksa sa patimpalak na ito
Ngunit ako’y nagkamali sa aking sinabi
Mahirap din palang ihabi ang mga salitang isasali.

Kalikasan ang paksang aming paglalabanan
Paksang sobrang mahalaga sa ating lipunan
Ikaw ano ba ang masasabi mo dito?
Ano ano nga bang salita ang iyong maibabato?

Tawag ng kalikasan ang sumagi sa aking isipan
Para namang walang koneksyon ito kung iyong titignan
Pero hayaan niyo akong dalhin kayo sa malikot kong isipan
Iduyan kayo sa aking akdang “TAWAG NG KALIKASAN”.

Tawag ng Kalikasan ang karaniwang tawag dito
Pupunta sa banyo at uupo sa trono
Magiimpok at itatanim ang dumi ng katawan
Upang maibsan ang sakit ng tiyan at mahimasmasan

Ano nga ba ang koneksiyon nito?
Madami para sa pilosopong katulad ko.
Hayaan niyo akong bigyan kayo ng ilang halimbawa
Upang sa gayon ito ay maging mahalaga sa inyong mga babasa.

Ang dumi ng tao ay maari nating magamit sa kalikasan
Pampataba at pampabuhay ng mga halaman sa kapaligiran.
Tunay nga ang proseso ng TAWAG NG KALIKASAN ay mahalaga
Katulad din yan ng prosesong pinagdadaanan ng isang puno bago ito mamunga

Pupunta sa banyo at uupo sa trono ang unang proseso
Parang sa kalikasan ito ay paghahanap ng lugar na pagtatamnan mo
Mahirap din ang umupo sa trono
Kasing hirap ng pagtatanim ng puno na matagal tumubo

Matapos ang pagtatanim ay didiligan mo ito
Parang sa TAWAG NG KALIKASAN na huhugasan mo ang puwet mo.
Matapos ang pagtatanim at pagdidilig ay maghihintay ka
Parang pila sa kubeta pag sobrang natatae ka na…

Minsan swerte kung natuong walang tao at makakaupo ka kaagad sa trono
Pero malas mo pag ang pila ay parang pila sa gobyerno
Mahaba, mainit at sobrang magulo
Parang tiyan mo na sobra nang nag-aalburoto.

Ang kalikasan minsan may sumpong din
Parang tiyan ng tao na sumasakit din
Kukulog, kikidlat at uulan ng malakas
Parang bagsak ng tae mo sa inidoro sa sobrang lakas

Pero sa kabila ng bawat unos ay may bagong pag-asa
Parang sa TAWAG NG KALIKASAN na sobrang nakaraos ka na
Minsan ang buhay ay para ding kalikasan
Masalimuot, magulo pero madami ka namang mararanasan.

Pero alam mo ba kung ano ang pinakamahalaga dito?
Sa bawat dagok at bagyo ng buhay ng tao
Kaya pa rin nitong maging matatag kagaya ng mga puno.
Kaya pa din nitong harapin ang mundo at magsimula ng panibago

Kaya sa pagtatapos nitong aking tula
Gusto kong maramdaman mo ang tunay na ginhawa.
Ginhawang nararamdaman pagkatapos ng “TAWAG NG KALISAKAN”
At ginhawang makaraos at malampasan ang putik ng lipunan.

Sanay nailabas mo na ang lahat ng dumi sa iyong katawan
Sanay naanod na ng dagat ang lahat ng iyong pinapasan
Para pag tinawag ka muli ng Kalikasan
Handa mo itong harapin ng puno ng lakas at buong tapang.

==================================================
KALIKASAN AT TEKNOLOHIYA SA MAKABAGONG PANAHON

View Image

(pics from robomaverick.multiply.com)

May lulugaran pa kaya?
Inang kalikasan sa ating bansa.
May paglalagyan pa kaya?
Mga puno at mga halamang magaganda.

Sa makabagong panahon
May makikita pa kaya tayong mga luntiang dahon?
Makakasilong pa ba tayo sa mga puno?
Makakarinig pa kaya tayo ng mga huni ng ibon?

Ngayong teknolohiya na ang nauuna
Inang kalikasan sa ating ba’y may halaga pa?
Naiisip ba natin ang mga susunod na henerasyon?
Anung mangyayari kung di tayo ngayon aaksyon.

Siguro itoy lingid na sa iyo
Kasi alam ko nararamdaman mo ito
Galit ni Inang Kalikasan sa atin ay pinapaulan
Bagsik ng bawat ganti ay kanyang pinaparamdam

Uupo ka nalang ba at magsasawalang kibo?
Babalewalain mo nalang ba ang mga darating pang delubyo?
Hahayaan mo nalang ba na mahuli ang lahat
Bakit di natin ngayon simulan ang tama at ang nararapat.

Kung teknolohiya ang nangunguna ngayon.
Bakit di ito ang gamitin natin sa pag-ahon
Umimbento ng makakatulong sa kalikasan
Gumawa ng mga bagay upang sakuna ay maiwasan.

Siguro naman parehas tayo nang adhikain
Siguro naman parahas tayo nang gustong gawin
Siguro parehas din tayo ng pangarap
Pangarap sa ating mga anak sa hinaharap

Kung teknolohiya ang susi sa pagunlad ng ating bayan
Sana wag nating pabayaan ang ating Inang kalikasan
Parehas natin silang palaguin
Parehas natin silang bigyan ng pansin

Ngayon teknohiya at kalikasan ay pag-isahin
Sabay silay pag-aralan at paunlarin
Habang lumalago ang mga puno sa Kalikasan
Ganoon din dapat umuunlad ang teknolohiya sa ating bayan.

Di ba mas maganda kung mangyari ito
Umuunlad ang bansa sa mga bagong teknolohiyang naimbento nito
Pero mas maganda at masaya ding malaman
Na ang isa sa sanhi ng pagunlad ay ang pagmamahal sa Inang Kalikasan.

==================================================

PAGSIBOL, PAGBABAGO, PAG-UNLAD AT KATAPUSAN

View Image

(pics from taoatkalikasan.com)

PAGSIBOL

Binhi ng iyong kagandahan ay ipunla na
Alagaan at ingatan upang ito’y di madumihan ng iba
Diligan ng Pag-ibig at Pananampalataya sa Panginoon
Upang maging maganda ang PAGSIBOL ng buhay mo ngayon.

PAGBABAGO

Sa pagusbong at pagsibol ng buhay mo
Maraming magaganap at mangyayaring PAGBABAGO
Dito ka uugatan at sanga moy tutubo ng husto
Dito ka din lalaki at lahat ng ipunla mo ay mamumunga ng todo

PAGUNLAD

Sa paglaki at pagdami ng bunga ng iyong ipinunla
PAG-UNLAD at masaganang aniy tangan tanga mo na
Ingatang huwag masayang ni isa sa iyong bunga
Upang lahat sila ay mapakinabangan at magamit ng tama.

KATAPUSAN

Kapag napakinabangan ka na at nagamit ka na ng tama
Matatapos na ang panahon ng pagani ng masagana
Siguro sa iba ito na rin ang huli at KATAPUSAN mo
Pero di ba nila alam darating pa ang bagong panahon ng muling pagsibol mo.

==================================================

Para sa pakikilahok sa Saranggola Blog Awards ni Sir Bernard at pasasalamat sa mga sponsor nito na DMCI HOMES . at ALTA VISTA DE BORACAY

 

Sana magustuhan niyo ang simple kong handog para sa patimpalak na ito….

Ipagpaumanhin sana ng may mga may-ari ng poster at pictures ang paggamit ko ng pics nila. di ko naman inaangkin ito sa katunayan nilagay ko naman ang pangalan niyo. Hihiramin ko lang naman po. Salamat..

“Hayaan mong liparin ka ng diwa sa himpapawid gaya ng langay langayan na malayang naglalaro sa hangin…” – cuteberl