NAPABILIB AKO…

Linggo ng umaga. Kahit wala pang tulog dahil magdamag akong tumambay ay tumuloy at sumama pa rin ako sa pagpunta ng Muntinlupa. Kala ko mahuhuli na ako noon. Alas otso kasi ang nasabing oras ng tagpuan at magaalas-otso na ay nasa biyahe pa din ako. Buti nalang umbot at ang totoo niyan maaga pa ako. Madami kami kaya naghintay muna kami sa iba. Mga ilang minuto lang ay dumating na din ang iba. Nabuo ang grupo at sumukay na kami sa bus papuntang Muntinlupa.

Kala ko magiging mahaba ang biyahe kaya umiglip muna ako pero nagkamali pala ako sapagkat madali kaming nakadating sa lugar. Kung kelan papunta na ako doon sa kasarapan ng iglip ay kinalabit ako ng kasama ko at sabing bababa na daw. Sayang kala ko makakabawi na ako ng tulog. Ayun na nga, sumakay kami ng traysikel papasok nang bilibid. Oo di ka nagkakamali. Pumunta kami sa bilibid noong linggo. Ewan ko ba kung bakit di ako ganoong kinabahan siguro dahil na rin sa mga sabi ng mga kabrader ko sa SFC na masaya daw doon.

Bago kami pumasok sa bilibid ay pinaiwan muna ang aming mga selepono at ibang bagay tulad ng headset, SIM, matutulis na bagay at iba pa na pwedeng hingin ng mga bilanggo. Minsan dapat laging handa ka sa tapik ng Diyos sayo. Tulad ko na biglang sinabihan na pangunahan ko daw ang dasal bago kami pumasok ng Bilibid. Iba yung naramdaman ko. Ewan ko ba pero nagbalik lang yung alab ng puso ko pagdating sa paglilingkod sa Panginoon. Para akong nagsisimulang muli. Ganun yung naramdaman ko noong YFC pa ako. Pagkatapos ng dasal ay pumila na din kami, tinatakan kami at sabi nila di daw dapat mabura yun kasi pag nagkataon ay di daw kami makakalabas. Siyempre todo protekta sa tatak. Ayaw ko kayang makulong dahil lang nabura ang tatak ko.

Sa loob ay nakita ko ang kakaibang mundo nila. Marahil iba sa mga dating pelikulang aksyon na makikita mong sobrang gulo at nakakatakot ang mga tao pero iba dito. Kabaliktaran ng mga bagay na nasa utak ko bago ako pumasok. Para lang siyang isang komunidad na puno ng nakatira. Sinalubong kami ng ibang preso. Yung iba may mga dalang payong upang payungan ang mga kasama naming babae, ang iba naman ay may mga dala-dalang mga gawa nila na ibinebenta upang magkaroon sila ng pera, meron din namang nakikipagkamay na parang kakandidato sa eleksiyon at yung iba ay parang mga Fans na kumakaway sa amin. O di ba para lang kaming artista. Kumpleto sila sa loob. May Billiards, may Videoke, may lugawan, karinderya, may mga Basketbol at Volleyball Kort, may mga klinika din pero mukhang konti lang ang gamit, may mga mababang paaralan, pang sekondarya pero di ko alam kung may kolehiyo din at higit sa lahat may mga iba’t ibang simbahan ng mga relihiyon.

Dumiretso kami sa simbahan ng pangKatoliko kasi doon gagawin ang nasabing aktibidad. Nagsimula ang nasabing aktibidad sa isang pambungad na pagpuri at pagkanta para sa Panginoon. Sinundan ito ng pambungad na pagpapaliwanag kung paano ang mga gagawin at ano ang dahilan ng nasabing aktibidad. Ang nasabing aktibidad ay tungkol sa paggawa nila ng “DREAM BOARD”. Dito pwede nilang ilagay ang kanilang mga pangarap sa loob at labas ng kulungan sa pamamagitan ng pagguhit, pasusulat o di naman kaya pagdikit ng mga larawan sa pamamagitan ng mga pinunit na larawan mula sa mga babasahin.

At pagkatapos noon ay nagsimula na nga. Hinati sa grupo ang mga dumalo. Tig lilima kami. Napunta sa akin sina JOSELITO, MARLON, LORETO, JORAM at MEYNARD. Sila ang limang taong tutulungan ko sa pagbuo nila ng kanilang “DREAM BOARD”. Mayroon lang silang apatnapung minuto upang gawin ito kaya di na kami nagsayang ng oras at gumawa na. Pinabilib nila ako sa husay nilang gumuhit. Ibang iba sa mga nakita ko. Galing sa puso lahat ng makikita mo sa ginawa nila. Natapos naman nila ang lahat ng kani-kanilang “DREAM BOARD”. Pero di pa doon natapos ang nasabing aktibidad sapagkat simula palang yun. Kailangan kasi nilang ipaliwanag ang kani-kanilang gawa. At bilang lider nila ako ang makikinig sa bawat sasabihin nila. Marahil di ko na tanda lahat ng sinabi nila pero tagos sa puso ang bawat salitang binitawan nila. Naramdaman ko ang pangungulila nila sa pamilya. Nakita ko ang kagustuhan nilang magbago at makalaya, nakita ko ang mga pangarap nila sa loob at labas ng kulungan at higit sa lahat naramdaman kong karamihan sa kanila binago ng Diyos. Ang lalalim pa nilang magtagalog. Astig talaga.

Marami pang nangyari at ang huli nga ay naatasan kaming punitin ang kanilang “DREAM BOARD”. Sa parteng ito medyo nahirapan ako. Anu naman ang karapatan kong pumunit ng gawa ng iba at sirain ang mga ginawa nilang pangarap pero sabi nga ng tumayong lider sa harap na si Kimm. Ang pag punit na ginawa ay tanda na ang ibang mga pangarap natin ay wala sa ating mga kamay. Ang mga punit ay ang mga pagsubok na pwedeng dumating sa buhay natin na pwedeng makasira ng mga pangarap natin. Pero sabi nga ni Kimm na pwede pa namang buuin ang punit na “DREAM BOARD” tulad nang mga pangarap natin na pwede pa nating ipagpatuloy pagkatapos ng mga pagsubok. Kaya matapos punutin ay dali dali naming idinikit uli iyon. Nakita ko ang kagustuhan nilang buuin muli ang napunit na “DREAM BOARD” at nasaksihan ko ang pagnanasang pagtagpi-tagpiin ang kanilang mga punit na pangarap. Sobrang tagos sa puso ang lahat.

Natapos ang aktibidad sa pagpupuri at pagkanta sa Panginoon. Ako umuwing maluha luha sapagkat ipinadama ng Diyos sa akin ang lahat. Dinala niya ako sa isang lugar na sobrang natuto ako at nabago ang pananaw tungkol  sa mga preso. Siguro masasabi kong isa ito sa pinaka hindi ko makakalimutang pangyayari. Di lang ako nakatulong bagkos pati ako tinulungan nilang mabago bilang isang tao. Mas nakita kong mas maswerte pa ako sa kanila. Nakita ko ang kahalagahan ng pagiging isang TATAK KRISTO. At higit sa lahat nakita ko na karamihan sa kanila ay nagbago na. Sobrang saya ko lang noong araw na iyon.

Masasabi kong pinabilib ako ng mga taong nakasalamuha ko sa loob ng kulungan. Kaya sa susunod na ang WESTB1A uli ang naatasan upang pumunta doon ay walang pag-aatubiling sasama ako. Tanging dasal muna ang maitutong ko sa kanila sa ngayon. Sana kayo din ipagdasal niyo sila. Sana kayo din maranasan niyo ang dumalaw minsan doon. Pangako di kayo magsisisisi.

 Ilang mga kuha mula sa araw na iyon…

Pagpaparaya at Pagsisimulang Muli….

Buwan na naman ng mga puso, kaibigan. Marahil abala na naman ang mga tao sa paghahanap ng mga lugar na pupuntahan ngayong darating na Araw ng mga Puso. Marami diyan ang nababaliw na kakaisip ng mga regalong ibibigay sa kani-kanilang mga iniirog. Meron din namang abala sa paggawa ng mga pwedeng itindang tsokolate at malamang sa alamang ay magiging masikip na naman ang kalsada ng Dangwa. Dito kasi makakabili ng magaganda at mga murang bulalaklak. Iba-ibang mga pinagkakaabalahan at ginagawa. Lahat ng ito ay parte ng masayang buhay pag-ibig ng isang Pilipino.

Pero maiba naman tayo. Paano naman sa mga taong sawi. Yung mga di pinalad na magkaroon ng kasintahan. Yung mga bagong wakas palang nang noo’y matamis nilang pagmamahalan. Magiging malungkot ba ang kanilang pagsalubong sa nasabing araw? O parang magiging normal lang ang lahat? Ano kaya ang mga plano nila sa darating na Araw ng mga Puso? Maiingit kaya sila sa mga makikita nilang mga magsing-irog na halos parang mga lintang sobrang dikit na sa isa’t isa? O parang dadaan lang ang araw na ito sa kanila na parang ordinaryong araw lamang? O di naman kaya ay magmumukmok sa apat na sulok ng kanilang kwarto at hahayaang bumuhos ang sandamakmak na luha na pagkatapos ay magiging muta lang.

Aaminin ko mga kaibigan ako din mismo di ko pa alam ang gagawin ko sa darating na Araw ng mga Puso. Ganun talaga siguro ang tulad kong di pinalad na magkaroon na kasintahang muli. Nagkaroon man pero di din nagtagal. Marahil ang aking Mama nalang uli ang aking yayayaing kumain sa labas at bibigyan ng isang dosenang magagandang rosas na binili sa dangwa. Sa kanya kasi mas tipid ako sa dahilang minsan ayaw na niya akong bumili ng mga bulaklak perahin ko nalang daw. Atsaka kailangan kong magtipid ngayong buwan. Unang dahilan ay kailangan namin ng perang pang-opera sa mata ng lola ko at pangalawa ay para sa pagpunta ko ng Bohol para dumalo sa isang aktibidad ng SFC(SINGLES FOR CHRIST). Kasama ko din kasi ang dating kasintahan pagpunta doon at malay ko, baka doon muling magbalik ang lahat. (Umaasang palaka lang po malay ko ba di ba?) O di naman kaya ay makakita ako ng Boholana na magpapatibok muli ng aking natutulog na puso. (Hahaha nangangarap lang ng gising). Pero kung ako ang tatanungin masaya naman ako kahit mag-isa sapagkat malaya kong nagagawa ang mga gusto ko at puntahan ang mga lugar na gustong puntahan.

Unang araw ng Pebrero ngayon. Gawin lang nating makabuluhan ang Buwan ng mga Puso. May kapareha man o wala. Masaya man o hindi. Dapat lagi nating isipin na ang buhay ay sadyang makulay. Dapat laging positibo lang. Mahaba pa naman ang araw bago ang tinakdang Araw ng mga Puso eh malay mo makahabol ka pa di ba? Masaya ang buhay huwag nating gawing kumplikado ang lahat. Marami pang bagay at tao ang naghihintay sayo sa hinaharap. Maghintay, idaan sa dasal at hindi naman masama ang umasang darating ang taong itinakda sayo ng Diyos. Nadadaan sa tiyaga ang lahat. Maghintay ka lang.

Bago ako magtapos mga kaibigan ay iiwanan ko sa inyo itong natutunan ko sa aking lider noon tungkol sa Pagpaparaya at Pagsisimulang muli. Sa ingles “LETTING GO AND MOVING ON”. Sabi niya na ang buhay ay parang isang bilog. Ikaw yung gumagawa ng sarili mong bilog. Iikot at ikot lang ang buhay mo sa bilog na iyon. Parang sa pag-ibig, patuloy na iikot ang mundo mo sa kanya kahit wala na kayo. Pero sabi niya sa akin na kung gusto ko raw magbago dapat matuto akong kumawala sa dating bilog ng buhay ko at gumuhit uli ng panibagong bilog. Parang sa pag-ibig din, kung ayaw na natin makipagbalikan sa dati nating kasintahan, dapat matuto muna tayong magparaya at kumawala sa anino ng pag-ibig nila. Magsimulang buuin muli ang panibagong bilog na bubuo ng bagong yugto at kabanata ng istorya ng pag-ibig mo.

Marahil hindi ganun kadali ang magparaya at magsimulang muli. Pwedeng tumagal o mapadali ang proseso nang paghilom ng sugat ng iyong nakaraan pero nasa iyong mga kamay pa din ang desisyon at solusyon. Ikaw pa din ang bubuo at madidikta ng iyong tadhana at higit sa lahat, lagi mong isaisip na gaano man kaganda ang mga plano mo sa buhay, may mas magandang plano ang Diyos na nakalaan para sayo.

Ang sakit lang….

Simula last year hirap kami financially. Kaya pangako ko ngayon taon na makakaraos din kami pero di pa nagtatapos ang Enero ay sandamakmak na problema na ang nangyari. May sakit ang lola ko sa mata na pero di pa pwedeng operahan kasi diabetic nga. Walang trabaho ang asawa ng ate ko at araw araw ako nakakatanggap ng mensahe sa aking Mama ng mga reklamo at hinanaing niya. At ngayong gabi nga. Umandar na naman ang galit ni Mama. Bunso ako hindi panganay. Maliit pa ang sahod ko at di talaga kasya kahit pang-araw araw kong gastusin.

Ang sakit sakit lang kasi feeling ko wala akong kwentang anak. Lalo pa ng matanggap ko ang mensahe ni Mama ngayon gabi. Para akong binuhusan ng tubig sa mga sinabi niya. Tama naman siya eh ang ganda ng kumpanya pero ang liit ng sahod. Tumutulo ang luha ko sa pagtipa ng posteng ito. Sobrang nasasaktan ako. Sobrang nalulungkot… Sana bukas paggising ko mayaman na ako para wala nang problema. Pero malabo yun kasi bukas paggising ko malamang isang problema na naman ang aking kakaharapin…

Ito marahil ang pinakamasakit na mensaheng natanggap ko sa ngayon. “akala ko pagkatapos mong mag-aral makahinga na ako lalo palang lumala ang gastos.” Ang sakit talaga… sobrang sakit….

SALAMAT SA PATULOY NA PAGBISITA.

Maraming salamat sa patuloy na pagbisita. Dahil diyan ay patuloy na magpoposte ang SIMPLENG INHINYERO ng mga bagay bagay na nagaganap sa kanyang buhay.

Ito na marahil ang pinakamataas na naabot ng blog ko pero aasa pa din akong dadami pa ito… ayos…

96 HITS AT 261 TOP PERSONAL BLOG…

MULI MARAMING MARAMING SALAMAT….

MASAKIT PALA…

Dahil excited akong magpunta sa internet shop upang makapag online at magposte sa aking lungga ay may isang di inaasahang pangyayari ang naganap sa akin. Sobrang sakit. Sobrang hapdi.

Napagtanto ko na totoo ang sinasabi ng matanda na masakit ang bumagsak pag nasa taas ka na. Oo ako na ang tanga. Mula ikalawang baitang ng aming tinutuluyan hanggang pinakaibaba ay naranasan kong bumaba sa hagdan na gamit ang puwet… OO NAHULOG PO AKO… TATANGA TANGA LANG…

Sa ngayon ok naman ako. Medyo nahilo lang kanina. Napagtanto ko na dapat tumingin ka sa baba para kahit nasa taas ka na ay di ka nito hihilain pababa. At tiyaka gaano man kaBRANDED ang iyong tsinelas pag basa ito tiyak asahan mong madudulas ka….

Iposte ko lang ang aking karanasan ngayon tutal sabaw ang aking utak sa pagtipa…. GANDANG UMAGA sa aking masugid na mambabasa…

HANGGANG 2012 NALANG PALA….

Kumakalat ang ganitong larawan sa FB. Dahil sa tsismoso at pakialamero ang iyong lingkod ay sinubukan kong pindutin ang LIKE at idinagdag ang aplikasyon na ito sa aking FB.

Hanggang 2012 nalang pala ako. Hanggang sa susunod na taon nalang pala. Ewan ko ba kung matatakot ako, matatawa, seseryosohin ko, mag-iingat at marami pang iba. Pero aminin ko man sa hindi kahit papaano natakot at natawa ako.

Ang panget naman ng magiging katapusan ko. Nahulog sa tulay sa isang aksidente. Tinagalog ko lang ang nasa pektyur. Dahil sobrang natawa ako ayan tuloy nakagawa ako ng poste.

Dahil nalalapit na ang 2012 at sinasabi sa pektyur na yan na ang huling taon ko.. (knock on woods) anu nga ba ang gagawin ko upang maging makabuluhan ang susunod na taon. Anu kaya ang mga babaguhin ko at inaasahan. Ano kaya ang mangyayari sa susunod na taon.

Dahil wala pa namang 2012 at di ko pa maisusulat dito ang NEW YEARS RESOLUTION ko. Hanggang dito nalang muna. Iba kasi ang poste para dyan.

Para sa akin. Di naman natin hawak ang buhay natin di ba? Ang tanging nakakaalam kung hanggang kelan tayo sa mundo ay walang iba kundi ang Diyos na lumikha satin.

Marahil dapat sa araw-araw ng buhay natin dapat handa tayo. Kasi di mo alam malay mo mamaya, bukas, sa isang araw, sa isang buwan, sa isang taon o sa mga susunod na taon ka kunin ng Diyos di ba?

Narealize ko sa pektyur na iyan. Na hiram lang ang buhay natin at sa bawat oras ng buhay natin di dapat natin ito inaaksaya at dapat gumagawa tayo ng ikakabuti ng ating kapwa. Magmahal at magpatawad. Umiyak at ngumiti kung kinakailangan. Sumigaw, tumakbo, kumain, matulog.

Saglit lang ang buhay natin. Gawin natin itong makabuluhan..

ASAP ROCKS TALAGA

Minsan ang simpleng pangarap mo ay tinutupad ng Diyos na di mo namamalayan… Bigla bigla nalang dumadating.

Sa PBA palang tinanong na kami ni MC kung gusto daw namin manood ng ASAP ROCKS at ang katapat nito sa kabila na PARTY PILIPINAS. Sino ba naman ang tatanggi sa alok na iyon di ba? ASAP yun tol… ASAP….

Dahil di naman ako pwede ng araw na sinabi ni MC sabi ko sa susunod nalang na linggo kaya nang dumating ang araw na iyon ang lolo mo dahil eksayted ay maagang naligo at pumunta.

Anim kami na manonood. Si Kuya Flow na siyang nagbigay sa amin na pagkakataon upang makapasok at makapanood. Si John na tulad ng dati ay FIRST CLASS pa din… Si Anton na unang beses ko lang nakausap at nakadaupang palad. Di naman siya umaatityud sa personal. Si Rocky na ngayon ko lang nakilala. At siyempre si MC na nagyaya samin.

Di ko sukat akalain na bago magtapos ang taon na ito ay makakatuntong ako sa entablado ng ASAP. Sobrang saya ko noon sa araw na iyon. Di ko alam ang gagawin ko habang pinapanood ang mga artista at singer na hinahangaan ko. Marahil di matatawaran ang aking sayaang nadama. Ang araw na iyon ay isa sa pinakamasayang araw sa buhay ko. Avid fan ako ng ASAP eh.

Marahil ang mga kuhang litrato ni ANTON ng PUSANGKALYE nalang ang magsasabi ng mga kaganapan sa araw na iyon..

Sarap umupo sa entablado ng ASAP ROCKS

Ito pa ang isa… 1…2…3… POST…. HEHEHE

Si MC ng MANGYAN BLOGGER

Si ANTON ng PUSANGKALYE

Si Rocky ng THE ROCK LAND

from L-R Me, MC, Kuya FLOW of ANSAWARIKO.COM, Rocky and John of KUMAGCOW.COM

Harap kami di ba.. Sosyal…

Sila ang nasa likod ng tagumpay ng ASAP ROCKS…

Rehearse muna….

 Ang crush kong si Kim

Si Angeline na paborito kong singer ngayon.

Di ko sukat akalain ang ISA SA MGA PANGARAP ko ay matutupad ngayong taon. Salamat sa mga taong naging parte ng nasabing araw. ASAP ROCKS TALAGA… NO. 1 talaga…

Gusto mo bang makita ang kumpletong litrato ito po ang link:

FACEBOOK NI ANTON